Noli Me Tangere (28 page)

Read Noli Me Tangere Online

Authors: JosÈ Rizal

BOOK: Noli Me Tangere
6.41Mb size Format: txt, pdf, ePub

--¡Uy, dito ca tumún~go!--ang isininigáw sa canya n~g isáng guardia.

Tulad sa waláng pag-íisip na nawasac ang nacapagpapagalaw, biglangbiglang ipinihit niyá ang canyáng m~ga paa. At hindî siyá nacakikita n~g anó man, waláng anó mang iniisip, siya'y tumacbo at nagtágò; nakita niyá ang isáng pintuang may isáng sundalong bantáy, nag-acála siyang pumasoc doon; n~guni't siya'y inilihís sa canyang paglacad n~g isá pang voces na lalò pa manding mabalasíc. Tinunutón niya ang pinanggalin~gan n~g voces, na humáhacbang siyáng halos masun~gabà sa panglulupaypáy; naramdaman niyang siya'y itinutulac sa licuran, siya'y pumikit, humacbáng n~g dalawá at sa pagca't kinúlang siya n~g lacás, nagpacálugmóc na siyá sa lúpà, paluhód muna at paupô pagcatápos. Isang pagtán~gis na waláng lúha, walang sigáw, walang hibíc, ang siyang sa canya'y nagpapacatal.

Yáón ang cuartel: doo'y may m~ga sundalo, m~ga babae, m~ga baboy at m~ga inahíng manóc. Nan~gagsisipanahî n~g canicanilang m~ga damít ang ibáng m~ga sundálo, samantalang nacahiga sa bangcô ang canilang m~ga caagulong babae, na ang híta n~g lalaki ang inuunan, nan~gaghihithiitan n~g tabaco ó cigarrillo at minámasdang ang bubun~gang nan~gayáyamot sa búhay: Tumutulong namán ang m~ga ibáng babae sa paglilinis n~g damit n~g m~ga sandata at iba pa, at inaaguing-íng ang m~ga mahahalay na awit.

--¡Tila mandin nacatacas ang m~ga sisiw! ¿Ang inahíng manóc lamang ang inyong dalá?--anang isang babae sa m~ga sundalong bagong dating; na hindî napagsi siyasat cung ang sabi niya'y dahil cay Sisa ó sa inahíng manóc na nagpapatuloy n~g piniyácpiyác.

--¡Siya n~ga namán! cailan ma'y mahalagá ang inahíng manóc cay sa sisiw--ang isinagot niyá sa canyá ring tanong, n~g makita niyáng hindî umiimic ang m~ga sundalo.

--¿Saan naroon ang sargento?--ang tanóng na may anyóng samâ ang loob n~g isá sa m~ga guardîa cívil--¿Nagbigay sabi na bâ sa alferez?

M~ga kibit n~g balícat ang siyáng sa canya'y sagót n~g nan~garoon, sino ma'y walang nagmamalasakit n~g camuntî man lamang tungcól sa calagayan n~g abáng babáe.

Dalawáng horas ang itinagal doon ni Sisa, sa isáng anyóng halos ay hibáng, nacauncót sa isáng súloc, nacatágo ang ûlo sa m~ga camay, gusót at gusamót ang buhóc. Natanto n~g alférez ang padakip na iyon n~g pagcatanhaling tapát, at ang únang guinawâ niyá'y ang huwag paniwalâan ang sumbóng n~g cura.

--¡Bah! ¡iya'y m~ga caul-ulan lamang n~g curipot na fraile!--anyá, at ipinag-utos na alpasán ang babae, at sino ma'y huwag n~g makialam n~g bagay na iyon.

--¡Cung ibig niyáng másumpong ang sa canyá'y nawalâ--ang idinugtong--hin~gin niya sa canyáng San Antonio ó magsacdál cayà siya sa nuncio! ¡Iyan!

Dahil sa mangyaring ito, si Sisa'y pinalayas sa cuartel na halos ipinagtutulacan, sa pagca't aayaw siyang cumílos.

Nang mákita ni Sisang siya'y sumasaguitna n~g daan lumacad na siyáng dî alam ang guinágawa, at tumún~go sa canyang báhay, nagmámadalî, walang anó mang takip ang úlo at ang tinititiga'y ang maláyong tan-awin. Nagninin~gas ang araw sa taluctóc n~g lan~git at walang anó mang alapaap na nacacucublí sa maningníng niyang cabilugan; bahagyâ na pinagágalaw n~g han~gin ang dáhon n~g m~ga cahoy; hálos tuyô na ang m~ga daan; waláng man~gahas cahi't isang ibon man lamang na iwan ang lilim n~g m~ga san~gá.

Sa cawacasa'y dumating din si Sisa sa canyang maliit na bahay. Pumásoc siyá roong pipí, hindî umiimic, nilibot ang cabahayan, umalís, nagpalacadlacad sa magcabicabila. Tumacbó, pagcatapos sa bahay ni matandang Tasio, tumáwag sa pintuan; n~guni't walâ roon ang matandà. Bumalic sa canyáng báhay ang culang palad at nagpasimulâ n~g pagtáwag n~g pasigáw: ¡Basilio! ¡Crispín! at maya't maya'y humihinto at nakikinig n~g mainam. Inuulit n~g alin~gan~gaw ang canyáng voces: ang matimyas na lagaslas n~g tubig sa calapit na ílog, ang música n~g m~ga dahon n~g m~ga cawayan; itó ang tan~ging m~ga voces n~g pag-iisa. Mulíng tumatawag, umaacyá't sa isáng mataas na lúpa, lumulusong sa isang ban~gin, nananaog sa ilog; nagpapalín~gaplin~gap ang canyáng m~ga matáng may anyóng maban~gis; ang m~ga matá ring iyo'y manacanacang nag-aalab n~g mainam, pagcatapos ay nagdídilim, tulad sa lan~git cung gabíng sumísigwa: masasabing namímisic ang liwanag n~g pag-iísip at malapit n~g magdilím.

[Larawan: ¡Nasirà ang isip ni Sisa! ¡Higuít ang calungcutan n~g canyang hinibíc-hibíc cay sa capanglaw-panglawang náririnig na m~ga daíng cung gabíng n~gitn~git n~g dilím at umaatun~gal ang lacás n~g unós!]

Mulíng pumanhíc sa canyáng maliit na báhay, naupô sa baníg na caniláng hinig-án n~g nagdaang gabí, itinungháy ang m~ga matá at nakita niyá ang capirasong napunit sa bárò ni Basilio sa dúlo n~g isáng cawayan n~g dingding, na na sa tabí n~g ban~gin. Nagtinding, kinuha ang pilas na damit na iyon at pinagmasdan sa ínit n~g áraw: may m~ga bahid, na dugò.

Datapwa't marahil hindî nakita ni Sisa ang gayong m~ga bahid, sa pagca't nanaog at ipinagpatuloy ang pagsisiyasat sa pílas, sa guitnâ n~g nacasusunog na ínit n~g araw, na canyáng itinataas, at sa pagca't tila mandin ang tin~gin niya'y madilím na lahát, tinitigan niyá n~g paharap ang araw n~g dilát na dilát.

Nagpatúloy rin siya n~g pagpapalacadlacad sa magcabicabilá, na sumísigaw ó umaatun~gal n~g cacaibang tunóg; marahil siya'y catatacutan cung sa canya'y may macarinig; may isáng tínig ang canyáng voces na hindî caraniwang manggaling sa lalamunan n~g táo. Sa boong gabí, pagca umaatun~gal ang unós, at lumilipad ang han~gin n~g calaguimlaguim na catulinan, at ipinagtatabuyan n~g canyáng hindî nakikitang m~ga pacpac ang isáng hucbóng m~ga aninong sa canyá'y humahagad, cung sacali't cayo'y na sa isáng báhay na guibâ at nag-íisa, at nacacarinig cayó n~g m~ga cacaibang daing, m~ga cacaibang buntóng-hinin~gáng ipinalálagay ninyóng yaó'y ang hilahis n~g hihip n~g han~gin sa pagtámà sa matataas na m~ga torre ó siráng m~ga pader, datapuwa't sa inyó'y pumupuspos n~g tacot at sa inyó'y nagpapakilabot na hindî ninyó mapiguilan; talastasin n~gâ ninyóng higuit ang lungcót n~g tínig n~g ináng iyón, cay sa hindî mapaglírip na m~ga hibíc sa m~ga gabíng madilím pagcâ umaatun~gal ang unós.

Sa gayóng calagaya'y inábot si Sisa n~g gabí. Pinagcalooban siyá marahil n~g Lán~git n~g iláng horas na pagcacatulog, at samantalang siya'y nahihimbing, hinilahihisan n~g pacpác n~g isang ángel ang namumutlâ niyáng mukhâ, upang macatcát sa canyá ang alaala, na waláng ibáng tinátaglay cung dî pawang capighatîan; marahil hindî cásiyang macáya n~g mahinang lacás n~g táo ang gayóng caraming m~ga pagcacasákit, caya't n~g magcágayo'y na mag-itan marahil ang Inang-Talagá n~g Dios na tagláy ang canyang matimyás na pangpagaang n~g hírap, ang pagcalimot; datapuwat sa papaano man, ang catotohana'y n~g kinabucasan, si Sisa'y nagpapalacádlácad na nacan~gitî, nag-aawit ó cung hindî nakikipag-usap sa lahát n~g m~ga may búhay na kinapál.

=XXII.=

=MANGA ILAW AT MGA DILIM=

Nacaraan ang tatlóng áraw mulâ n~g mangyari ang m~ga bagay na aming sinaysay. Guinamit n~g bayan n~g San Diego ang tatlong araw na ito, na casama ang m~ga gabí sa paghahanda n~g fiesta at sa m~ga salitaan, casabay ang m~ga pag-uupasálà.

Samantalang caniláng nilalasap-lasap na ang m~ga mangyayaring m~ga casayahan, pinipintasan n~g ibá ang gobernadorcillo, ang ibá namá'y ang teniente mayor, at ang ibá'y ang m~ga batà, at hindî nawawalan n~g binibigyang casalanan n~g lahát ang lahát.

Pinag-uusap-usapan ang pagdating ni María Clara, na casama n~g tía Isabel. Sila'y nan~gatutúwâ sa gayong pagdatíng, palibhasa'y caniláng kinalúlugdan siyá, at casabáy n~g caniláng malaking pangguiguilalás sa canyáng cagandahan, ang canilá namáng pagtatacá sa m~ga pagbabagobago n~g caugalian ni pári Salví.--"Madalás na siyá'y natitigagal at anaki'y nakalilimot samantalang nagmimisa; hindi na lubháng nakikipagsalitaan sa amin, at kitangkita ang canyang pagyayat at ang canyáng pagcawaláng catiwasayan n~g loob,"--ang sabihan n~g m~ga nagcucumpisal sa canyá. Namamasid n~g "cocinerong" siya'y namamayat n~g namamayat, at dumaraing n~g dî pagpapaunlac sa canyáng m~ga inilulutong pagcain. N~guni't ang lalong nacapagpapaalab n~g m~ga bulong-bulun~ga'y ang canilang namamasdang mahiguít sa dalawáng ilaw sa convento cung gabí, samantalang si párì Salví'y dumadalaw sa isang bahay n~g mámamayan ... ¡sa báhay ni María Clara! ¡Nan~gagcucruz ang m~ga mápagbanal, n~guni't ipinatutuloy nila ang pagbubulong-bulun~gan.

Tumelégrama si Juan Crisóstomo Ibarra buhat sa pan~gulong bayan n~g lalawigan, na bumabati siyá cay tía Isabel at sa pamangkin nito; n~guni't hindî ipinaliliwanag cung bakit walâ siyá roon. Ang acálà n~g marami siya'y nabibilango dahil sa ginawâ niya cay parì Salví n~g hapon n~g araw n~g "Todos los Santos".

Datapuwa't lalò n~g lumakí ang m~ga usap-usapan n~g makita nila n~g hapon n~g icatlóng araw na lumúlunsad si Ibarra sa isang coche, sa harapan n~g munting bahay na tinitirahan n~g dalagang canyang maguiguing asawa, at bumabati n~g boong pitagan sa fraile, na tumutun~go rin sa bahay na iyón.

Sino ma'y walang nacacagunitâ cay Sisa at sa canyang m~ga anac.

Cung pumaroon tayo n~gayón sa bahay ni María Clara, isang magandang púgad na na sa guitna n~g m~ga dalandan at ilang-ilang, mararatnan pa natin ang binata't dalagang capuwâ nacasun~gaw sa isang bintana sa dacong dagatan. Lumililim sa bintanang iyon ang m~ga bulaclac at m~ga halamang gumagapang sa m~ga cawayan at sa m~ga cawad, na pawang nan~gagsasabog n~g pihícang ban~go.

Bumubulong ang canilang m~ga labi n~g m~ga salitang higuit ang cagandahang dingguín cay sa halishísan n~g m~ga damó, at lalong mahalimuyac cay sa han~ging may taglay na ban~gong handog n~g m~ga bulaclac halamanan.

Sinasamantala n~g m~ga "sirena" sa dagatan ang pag-aagaw-dilím n~g oras na iyon n~g matúling pagtatakíp-sílim n~g hapon, upang isun~gaw sa ibabaw n~g m~ga alon ang canilang masasayáng maliliit na úlo at pangguilalasan at bumatì n~g canilang m~ga awit sa araw na naghihin~galô. M~ga azúl daw ang canilang m~ga mata at ang canilang m~ga buhóc; na sila'y may m~ga pútong na coronang halaman sa tubig na may m~ga bulaclac na mapuputi't mapupula; manacanacâ raw ipinamamalas n~g m~ga bulâ ang canilang parang linalic na catawang higuit sa bulâ ang caputian at cung ganap n~g gabi'y canilang pinasisimulaan ang canilang m~ga calugodlugod na paglalarô, at canilang ipinarírinig ang m~ga tinig na talinghagang tulad sa m~ga arpa sa lan~git; sa bihanan din namang ...; n~guni't pagbalican natin ang ating m~ga kinabataan pakinggan natin ang wacas n~g canilang salitaan. Sinasabi ni Ibarra cay María Clara:

--Búcas, bago magbucáng liwayway, magáganap ang han~gád mo. Iháhandâ cong lahát n~gayóng gabí at n~g huwag magculang n~g anó man.

--Cung gayó'y susulat acó sa aking m~ga caibigang babae at n~g man~gagsiparito. ¡Gawín mo ang bagay na itó sa isang parang howag sanang macasunód ang cura!

--At ¿bakit?

--Sa pagca't tila mandin acó'y binábantayan niyá. Nacasásamâ sa ákin ang canyáng m~ga matang malalálim at malulungcót, pagca itinititig niya sa akin ay acó'y natatacot. Pagcâ acó'y kinacausap niyá, siya'y may isáng voces na ... sinasabi sa akin ang m~ga bagay na totoong cacaiba, na hindî mapaglirip, na totoong cacatuwâ ... minsa'y itínanóng niya sa akin cung hindî co nananag-ínip n~g tungcól sa m~ga súlat n~g nanay; sa aking acala'y halos nasisíra ang canyang baít. Sinasabi sa akin n~g caibigan cong si Sinang at saca ni Andeng na aking capatíd sa gatas, na siya'y may pagcaculang-culang ang ísip. ¡Gawín mo sana n~g paraang siya'y howag pumarito!

--Hindî maaaring siya'y hindî natin anyayahan--ang sagot ni Ibarrang nag-iisip-ísip.--Catungculang atang ito n~g caugalian n~g bayan; siya'y nasa bahay mo at bucod sa rito'y nag-ugaling mahal siya sa akin. Nag magtanóng sa canya ang Alcalde tungcól sa bagay na sinabi co na sa iyó, walang sinabi siya cung dî pawáng m~ga pagpuri sa akin, at hindi nag-acalang maglagay n~g cahit caunting hadlang man lamang. N~guni't namamasid cong icaw ay namúmuhî; howag cang manimdím at hindî macasasama siya sa atin sa bangcâ.

Narinig ang marahang lacad; yao'y ang curang lumalapit na taglay ang n~gitíng pilit.

--¡Maguinaw ang han~gin!--anyá;--pagcâ nacacáhaguíp n~g isáng sipón, ay hindî bumíbitiw cung dî dumatíng ang tag-ínit. ¿Hindî ba cayó nan~gan~ganib na baca cayó'y malamigan?

Nan~gan~gatal ang voces niyá at sa maláyò ang canyáng tanáw: hindî siyá tumitin~gin sa binata't dalága.

--¡Tumbalíc; ang pakiramdám namin ay caayaaya ang gabi at masarap ang hán~gin. Itó ang pinacá "otoño" at "primavera"[256] namin, nanlálaglag ang iláng m~ga dahon, datapuwa't laguing sumisilang ang m~ga bulaclac.

Nagbuntóng hinin~gá si párì Salví.

--Ipinalálagay cong carikitdikitan ang pagcacálangcap n~g dalawáng bahaguing itó n~g taóng hindî nangguíguitnâ, ang "invierno" (tagguinaw)--ang ipinagpatuloy ni Ibara.--Sisilang, pagdating n~g Febrero, ang m~ga bagong san~ga n~g m~ga cahoy at pagdating n~g Marzo'y may m~ga bun~gang hinog na tayo. Pagdating n~g m~ga buwang tag-init ay paparoon cami sa ibang daco.

N~gumitî si Fray Salví. Nagpasimulâ sila n~g pagsasalitaan n~g m~ga bagay-bagay na walang cabuluhan, n~g nauucol sa panahón, sa bayan at sa dárating na fiesta; humanap si María Clara n~g dahilán at umalís.

--At yamang m~ga fiesta ang ating m~ga pinag-uusapan, itulot pô ninyóng cayo'y anyayahan co sa gagawin namin búcas. Ito'y isáng fiestang búkid na aming iaalay sa aming m~ga caibigan at iniaalay namán nilá sa amin.

--At ¿saan pô ba gagawin?

--Ibig n~g m~ga cabataang gawín sa bátis sa umaagos sa malapit ditong gubat at na sa tabi n~g balítì: cayâ magban~gon tayo n~g maaga at n~g huwag táyong abútin n~g áraw.

Nag-ísip-ísip ang fraile, at dî nalaon at sumagót:

--Mápanucsong totoo ang anyáya at aco'y napahihinuhod, upang sa inyo'y patotohanang hindî po acó nagtátanim sa inyó. Datapuwa't kinakailan~gang dumaló roon pagcatapos na aking maganáp ang aking m~ga catungculan. ¡Cayó'y mapálad, sa pagca't may calayâan, lubos na may calayâan!

Nang macaraan ang iláng sandalî ay nagpaalam si Ibarra upang pan~gasiwâan ang paghahandâ n~g fiesta sa kinabucasan. Madilím na ang gabí.

Lumapit sa canyá sa daan ang isáng sa canya'y naghandóg n~g boong paggálang.

--¿Sino pô bâ cayó?--ang sa canya'y tanóng ni Ibarra.

--Hindî pô ninyó alam, guinoo, ang aking pan~galan,--ang sagót n~g hindî kilalá.--Dalawáng áraw na pong hinihintay co cayó.

--¿At bakit?

--Sa pagca't sa alin mang daco'y hindî acó kinahabagán, palibhasa'y acó raw po'y tulisán, guinoo ¡Datapuwa't nawalan acó n~g m~ga anác, sirâ ang isip n~g aking asawâ, at ang sabihan n~g lahát ay carapatdapat acó sa nangyayarî sa akin!

Other books

Consumed by Suzanne Wright
Cows by Matthew Stokoe
A Nantucket Christmas by Nancy Thayer
WitchofArundaleHall by Jennifer Leeland
Awaiting Fate by J. L. Sheppard
Misery Bay: A Mystery by Chris Angus