Noli Me Tangere (22 page)

Read Noli Me Tangere Online

Authors: JosÈ Rizal

BOOK: Noli Me Tangere
3.48Mb size Format: txt, pdf, ePub

Ang voces ni Sisa ang siyáng sa canyá'y gumísing.

--¿Anó ang nangyayari sa iyo? ¿Bakit ca umíiyac?

--¡Nanag-ínip acó!... ¡Dios!--ang mariíng sábi ni Basilio at humílig na basâ n~g páwis. Panag-ínip iyón; sabihin pô ninyóng panag-ínip lámang, nánay, iyón; panag-ínip lámang!

--¿Anó ang napang-ínip mo?

--Hindî sumagót ang bátà. Naupô upang magpáhid n~g lúhà at n~g páwis. Madilím sa loob n~g dampâ.

--¡Isáng panag-ínip! ¡isáng panag-ínip!--ang inuulit-úlit ni Basilio sa marahang pananalitâ.

--¡Sabihin mo sa akin cung anó ang iyóng pinanag-ínip; hindî acó mácatulog!--ang sinábi n~g iná n~g mulíng mahigâ ang canyáng anác.

--Ang napanag-ínip co, nánay,--ani Basilio n~g maráhan--camí raw ay namumulot n~g úhay sa isáng tubigang totoong maraming bulaclác, ang m~ga babae'y may m~ga daláng bacol na punô n~g m~ga úhay ... ang m~ga lalaki'y may m~ga dalá ring bácol na punô n~g úhay ... at ang m~ga bátang lalaki'y gayón din ... ¡Hindî co na natatandâan, nánay; hindî co na natatandâan, nánay, ang m~ga ibá!

Hindî na nagpílit n~g pagtatanóng si Sisa; hindî niyá pinápansin ang m~ga panag-ínip.

--Nánay, may naisip acó n~gayóng gabíng itó,--ani Basilio pagcaraan n~g iláng sandalíng hindî pag-imíc.

--¿Anó ang naisip mo?--ang itinanóng niyá.

Palibhasa'y mapagpacababà si Sisa sa lahát n~g bágay, siyá'y nagpapacababà patí sa canyáng m~ga anác; sa acálà niyá mabuti pa ang caniláng pag-iísip cay sa canyá.

--¡Hindî co na ibig na magsacristan!

--¿Bákit?

--Pakinggán pô ninyó, nánay, ang aking náisip. Dumatíng pô ritong galing sa España ang anác na lalaki n~g nasirang si Don Rafael, na inaacalà cong casingbaít din n~g canyáng amá. Ang mabuti pô, nánay, cúnin na ninyó búcas si Crispin, sin~gilín ninyó ang aking sueldo at sabihin ninyóng hindî na acó magsasacristan. Paggalíng co'y pagdaca'y makikipagkita acó cay Don Crisóstomo, at ipakikiusap co sa canyáng acó'y tanggapíng tagapagpastól n~g m~ga vaca ó n~g m~ga calabaw; malakí na namán acó. Macapag-aaral si Crispin sa báhay ni matandáng Tasio, na hindî namamalò at mabaít, cahit ayaw maniwálà ang cura. ¿Maaarì pa bang tayo'y mapapaghírap pa n~g higuít sa calagayan natin? Maniwalà, pô cayó, nánay, mabaít ang matandâ; macáilang nakita co siyá sa simbahan, pagcâ síno ma'y walâ roon; nalúluhod at nananalan~gin, maniwalà pô cayó. Nalalaman na pô ninyó, nánay, hindî na acó magsasacristan: bahagyâ na ang pinakikinabang ¡at ang pinakikinabang pa'y naoowî lámang sa kinamumulta! Gayón din ang idináraing n~g lahát. Magpapastol acó, at cung aking alagaang magalíng ang ipagcacatiwalà sa akin, acó'y calúlugdan n~g may-arì; at marahil ay ipabáyang ating gatásan ang isáng vaca, at n~g macainom tayo n~g gátas; íbig na íbig ni Crispin ang gátas. ¡Síno ang nacacaalam! marahil bigyán pa pô cayó n~g isáng malíit na "guyà," cung makita nilá ang magalíng cong pagtupád; aalagaan nátin ang guya at áting patatabaíng gáya n~g áting inahíng manóc. Man~gun~guha acó n~g m~ga bun~gang cáhoy sa gúbat, at ipagbíbili co sa báyang casama n~g m~ga gúlay sa ating halamanan, at sa ganito'y magcacasalapî táyo. Maglalagay acó n~g m~ga sílò at n~g m~ga balatíc at n~g macahuli n~g m~ga ibon at m~ga alamíd, man~gin~gisdâ acó sa ílog at pagcâ acó'y malakí na'y man~gan~gáso namán acó. Macapan~gan~gahoy namán acó upang maipagbilí ó maialay sa may-árì n~g m~ga vaca, at sa ganyá'y matótowâ sa atin. Pagcâ macapag-aararo na acó'y aking ipakikiusap na acó'y pagcatiwalâan n~g capirasong lúpà at n~g áking matamnan n~g tubó ó mais, at n~g hindî pô cayó manahî hanggang hating gabí. Magcacaroon táyo n~g damít na bágong úcol sa bawa't fiesta, cacain táyo n~g carne at malalakíng isdâ. Samantala'y mamumuhay acóng may calayâan, magkikita táyo sa aráw-áraw at magsasalosalo táyo sa pagcain. At yamang sinasabi ni matandáng Tasiong matalas daw totóo ang úlo ni Crispin, ipadalá natin siyá sa Maynílà at n~g mag-aral; siyá'y paggugugulan n~g bún~ga n~g aking pawis; ¿hindî ba, nánay?

--¿Anó ang aking wiwicain cung dî oo?--ang isinagót ni Sisa niyacap ang canyáng anác.

Nahiwatigan ni Sisang hindî na ibinibilang n~g anác sa hináharap na panahón, ang canyáng amá, at itó ang nagpatulò n~g m~ga lúhà niyá sa pagtan~gis na dî umíimic.

Nagpatuloy si Basilio n~g pagsasaysay n~g canyáng m~ga binabantá sa hináharap na panahón, tagláy iyang ganáp na pag-asa n~g cabataang waláng nakikita cung dî ang hinahan~gad. Walang sinasabi si Sisa cung dî "oo" sa lahát, sa canyáng acala'y ang lahát ay magalíng. Untiunting nanaog ang pagcáhimbing sa pagál na m~ga bubông n~g matá n~g bátà, at n~gayo'y binucsán n~g Ole-Lukoie, na sinasabi ni Anderson, at isinucob sa ibabaw niyá ang magandáng payong na puspós n~g masasayáng pintura.

Ang acálà niyá'y siya'y pastol n~g casama n~g canyáng bunsóng capatíd; nan~gun~guha silá n~g bayabas, n~g alpáy at n~g ibá pang m~ga paroparó sa calicsihán; pumapasoc silá sa m~ga yun~gíb at nakikita niláng numiningning ang m~ga pader; naliligò silà sa m~ga bucál, at ang m~ga buhán~gin ay alabóc na guintô at ang m~ga bato'y túlad sa m~ga bató n~g corona n~g Vírgen. Silá'y inaawitan n~g m~ga maliliit na isdâ at nan~gagtatawanan; iniyuyucayoc sa canila n~g m~ga cahoy ang canilang m~ga san~gang humihitic sa m~ga salapî at sa m~ga bún~ga. Nakita niya n~g matapos ang isang campanang nacabitin sa isang cahoy, at isang mahabang lubid upang tugtuguin: sa lubid ay may nacataling isang vaca, na may isang púgad sa guitnâ n~g dalawang sun~gay, at si Crispin ay nasa loob n~g campanà at iba pa. At nagpatuloy sa gayóng pananaguinip.

N~guni't ang inang hindî gaya niyang musmós at hindî nagtatacbó sa loob n~g isang horas ay hindî tumutulog.

=XVIII.=

=MGA CALOLOWANG NAGHIHIRAP=

Magcacaroon na n~g icapitong horas n~g umaga n~g matapos ni Fr. Salví ang canyang catapusáng misa: guinawà niyá ang tatlóng misa sa loob n~g isáng oras.

--May sakít ang párì--anang madadasaling m~ga babae; hindî gaya n~g dating mainam at mahinhín ang canyáng kílos.

Naghubad n~g canyáng m~ga suot na di umíimic, hindî tumitin~gin sa canino man, hindî bumabatì n~g cahi't anó.

--¡Mag-in~gat!--anáng bulungbulun~gan n~g m~ga sacristan;--¡lumulúbhâ ang samâ n~g úlo! ¡Uulan ang m~ga multa, at ang lahát n~g ito'y pawang casalanan n~g dalawáng magcapatíd!

Umalís ang cura sa sacristía upang tumun~go sa convento; sa sílong nitó'y nan~gacaupô sa bangcô ang pitó ó walóng m~ga babae at isáng lalaking nagpapalacadlacad n~g paroo't parito. Nang makita niláng dumarating ang cura ay nan~gagtindigan; nagpauna sa pagsalubong ang isáng babae upang hagcán ang canyang camáy; n~guni't gumamit ang cura n~g isáng anyóng cayamután, caya't napahintô ang babae sa calaguitnaan n~g canyáng paglacad.

--¿Nawalan yatà n~g sicapat si Curiput?--ang mariíng sabi n~g babae sa salitáng patuyâ, na nasactán sa gayóng pagcá tanggáp. ¡Huwag pahagcán sa canyá ang cama'y, sa gayóng siyá'y celadora n~g "Hermandad", gayóng siya'y si Hermana Rufa! Napacalabis namang totóo ang gayóng gawâ.

--¡Hindî umupô n~gayóng umaga sa confesonario!--ang idinugtóng ni Hermana Sípa, isáng matandáng babaeng walâ n~g n~gipin;--ibig co sanang man~gumpisal at n~g macapakinabang at n~g magcamit n~g n~ga "indulgencia".

--Cung gayo'y kinahahabagan co cayó!--ang sagót n~g isang babaeng batà pa't ma'y pagmumukhang tan~ga; nagcamít acó n~gayóng umaga n~g tatlóng indulgencia plenaria na aking ipinatungcól sa calolowa n~g aking asawa.

--¡Masamang gawâ, hermana Juana!--ang sabì n~g nasactán ang loob na si Rufa.--Sucat na ang isang indulgencia plenaria upang mahan~gò siya sa Purgatorìo; hindî dapat ninyóng sayan~gin ang m~ga santa indulgencia; tumúlad cayó sa akin.

--¡Lalong magalíng ang lalong marami: ang sabi co!--ang sagót n~g waláng málay na si hermana Juana, casabáy ang n~gitî.

Hindî agád sumagót si hermana Rufa: nanghin~gî muna n~g isáng hitsó, n~ginán~gà, minasdán ang nagcacabilog na sa canyá'y nakikinig n~g dî cawasà, lumurâ sa isáng tabí, at nagpasimulâ, samantalang n~gumán~gatâ n~g tabaco:

--¡Hindî co sinasayang cahi't isáng santong araw! Nagcamít na acó, búhat n~g acó'y mapanig sa Hermandad, n~g apat na raa't limampo't pitóng m~ga indulgencia plenaria, pitóng daá't anim na pong libo, limáng daa't siyám na po't walóng taóng m~ga indulgencia. Aking itinátalâ ang lahát n~g aking m~ga kinácamtan, sa pagca't ang ibig co'y malinis na salitaan; ayaw acóng mangdáyà, at hindî co rin ibig na acó'y dayâin.

Tumiguil n~g pananalitâ si Rufa at ipinatuloy ang pagn~guyâ; minámasdan siyá, n~g boong pagtatacá n~g m~ga babae; n~guni't humintô sa pagpaparoo't parito ang lalaki, at nagsalitâ cay Rufa n~g may anyóng pagpapawalang halagá.

--Datapuwa't nacahiguít acó sa inyó, hermana Rufa, n~g taóng itó lamang sa m~ga kinamtan co, n~g apat na indulgencia plenaria at sangdaang taón pa; gayóng hindî lubhang nagdárasal acó n~g taóng itó.

--¿Higuít cay sa ákin? ¿Mahiguít na anim na raa't walompo't siyám na plenaria, siyám na raa't siyám na po't apat na libo walóng daa't limampo't ánim na taón?--ang ulit ni hermana Rufang wari'y masamâ n~g cauntî ang loob.

--Gayón n~gâ, walóng plenaria at sangdaa't labing limáng taón ang aking cahiguitán, at itó'y sa íilang buwán lamang--ang inulit n~g lalaking sa líig ay may sabit na m~ga escapulario at m~ga cuintas na punô n~g libág.

--¡Hindî dapat pagtakhan--ani Rufang napatalo na;--cayó pô ang maestro at ang púnò sa lalawigan!

N~gumin~gitî ang lalaking lumakí ang loob.

--Hindî n~gâ dapat ipagtacáng acó'y macahiguít sa inyó n~g pagcacamit; halos masasabi cong cahi't natutulog ay nagcácamit acó n~g m~ga índulgencia.

--¿At anó pô bâ ang guinágawâ ninyó sa m~ga indulgenciang iyán?--ang tanóng na sabáysabáy n~g apat ó limáng voces.

--¡Psh!--ang sagót n~g lalaking umanyô n~g labis na pagpapawalang halagá;--aking isinasabog sa magcabicabilà!

--¡Datapuwa't sa bágay n~gang iyán hindî co mangyayaring cayó'y puríhin, mâestro--ang itinutol ni Rufa,--¡Cayó'y pasasa Purgatorio, dahil sa inyóng pagsasayáng n~g m~ga indulgencia. Nalalaman na pô ninyóng pinagdurusahan n~g apat na pong áraw sa apóy ang bawa't isáng salitáng waláng cabuluhán, ayon sa cura; ánim na pong áraw sa bawa't isáng dangcal na sinulid; dalawampo, bawa't isáng patác na tubig. ¡Cayó'y pasasa Purgatorio!

--¡Malalaman co na cung paano ang paglabás co roôn!--ang sagót ni hermano Pedro, tagláy ang dakilang pananampalataya.--Lubháng marami ang m~ga cálolowang hinán~gò co sa apóy! ¡Lubháng marami ang guinawâ cong m~ga santo! At bucód sa rito'y "in articulo mortis" (sa horas n~g camatayan) ay macapagcácamit pa acó, cung aking ibiguìn, n~g pitóng m~ga "plenaria", ¡at naghihín~galô na'y macapagliligtas pa acó sa m~ga ibá!

At pagcasalitâ n~g gayó'y lumayóng tagláy ang malakíng pagmamataas.

--Gayón ma'y dapat ninyóng gawín ang catulad n~g aking gawâ, na dî acó nagsásayang cahit isáng áraw, at magalíng na bilang ang aking guinágawâ. Hindî co ibig ang magdayâ, at áyaw namán acóng marayà nino man.

--¿At paano pô, bâ ang gawâ ninyó?--ang tanóng ni Juana.

--Dapat n~gâ pô ninyóng tularan ang guinágawâ co. Sa halimbawà: ipalagáy pô ninyóng nagcamít acó n~g isáng taóng m~ga indulgencia: itinatalâ co sa aking cuaderno at aking sinasabi:--"Maluwalhating Amáng Poong Santo Domingo, pakitingnán pô ninyó cung sa Purgatorio'y may nagcacailan~gan n~g isáng taóng ganáp na waláng labis culang cahi't isáng áraw."--Naglálarô acó n~g "cara-y-cruz;" cung lumabás na "cara" ay walâ; mayroon cung lumabás na "cruz." N~gayó'y ipalagáy nating lumabás n~g "cruz", pagcágayo'y isinusulat co: "násin~gil na;" ¿lumabás na "cara"? pagcágayó'y iniin~gatan co ang indulgencia, at sa ganitóng paraa'y pinagbubucodbucod co n~g tigsasangdaaag taóng itinátalâ cong magalíng. Sayang na sayang at hindî magawâ sa m~ga indulgencia ang cawan~gis n~g guinágawâ sa salapî: ibibigay cong patubuan: macapagliligtas n~g lalong maraming m~ga cálolowa. Maniwálà cayó sa akin, gawín ninyó ang áking guinágawâ.

--¡Cung gayó'y lalong magalíng ang áking guinágawâ!--ang sagót ni hermana Sípa.

--¿Anó? ¿Lálong magalíng?--ang tanóng ni Rufang nagtátaca.--¡Hindî mangyayari! ¡Sa guinágawâ co'y walâ n~g gágaling pa!

--¡Makiníg pô cayóng sandalî at paniniwalâan ninyó ang áking sábi, hermana!--ang sagót ni hermana Sípang matabáng ang pananalitâ.

--¡Tingnán! ¡tingnán! ¡pakinggán natin!--ang sinabi n~g m~ga ibá.

Pagcatapos na macaubó n~g boong pagpapahalaga'y nagsalitâ ang matandáng babae n~g ganitóng anyô:

--Magalíng na totoo ang inyóng pagcatalastas, na cung dasalín ang "Bendita-sea tu Pureza," at ang "Señor-mio Jesu cristo,--Padre dulcísimo-por el gozo," nagcacamit n~g sampóng taóng indulgencia sa bawa't letra..

--¡Dálawampo!--¡Hindî!--¡Cúlang!--¡Lima!--ang sabi n~g iláng m~ga voces.

--¡Hindî cailan~gan ang lumabis ó cumulang n~g isá! N~gayón: pagca nacababasag ang aking isáng alilang lalaki ó isáng alilang babae n~g isáng pinggán, váso ó taza, at ibá pa, ipinapupulot co ang lahát n~g m~ga piraso, at sa bawa't isá, cahi't sa lalong caliitliitan, pinapagdárasal co siyá n~g "Bendita-sea-tu-Pureza" at n~g "Señor-mio-Jesu cristo Padre dulcísimo por el gozo", at ipinatútungcol co sa m~ga cálolowa ang m~ga indulgenciang kinácamtan co. Nalalaman n~g lahát n~g taga báhay co ang bagay na itó, tán~gì lamang na hindî ang m~ga púsà.

--N~guni't ang m~ga alilang babae ang siyáng nagcácamit n~g m~ga indulgenciang iyán, at hindî cayó, Hermana Sipa--ang itinutol ni Rufa.

--At ¿sínong magbabayad n~g aking m~ga taza at n~g aking m~ga pinggan? Natótowa ang m~ga alilang babae sa gayóng paraang pagbabayad, at acó'y gayón din; silá'y hindî co pinapálò; tinutuctucan co lamang ó kinúcurot....

--¡Gagayahin co!--¡Gayón din ang aking gágawin!--¡At acó man!--ang sabihan n~g m~ga babae.

--Datapuwa't ¿cung ang pinggán ay nagcacádalawa ó nagcácatatatlong piraso lamang? ¡Cacauntî ang inyóng cácamtan!--ang ipinaunawà pa n~g maulit na si Rufa.

--Itulot pô ninyóng ipagtanóng co sa inyó ang isáng pinag-aalinlan~ganan co--ang sinabi n~g totoong cakimîan n~g bátà pang si Juana.--Cayó pô m~ga guinoong babae ang nacacaalam na magalíng n~g m~ga bagay na itóng tungcól sa Lan~git, Purgatorio at Infierno,.... ipinahahayag cong acó'y mangmang.

--Sabihin ninyó.

--Madalás na aking nakikita sa m~ga pagsisiyám (novena) at sa m~ga ibá pang m~ga libro ang ganitong m~ga bilin: "Tatlóng amánamin, tatlóng Abáguinoong Maria at tatlóng Gloria patri.."

--¿At n~gayón?....

--At n~gayó'y ibig cong maalaman cung paano ang gágawing pagdarasal: ¿Ó tatlóng Amanaming sunôd-sunód, tatlóng Abaguinoong Mariang sunôd-sunód; ó macaatlóng isáng Amanamin, isáng Abaguinoong María at isáng Gloria Patri?

Other books

Secret Passions by Jill Sanders
Brigand by Sabrina York
I Surrender by Monica James
Bangkok Burn by Simon Royle
Love and Mistletoe by Zara Keane
Bad Apple (Part 1) by Kristina Weaver
Native Tongue by Carl Hiaasen