Authors: JosÈ Rizal
--¿Bakit? ¿hindî pô bâ ninyó nalalaman?--ang tanóng n~g militar.
--Itinanóng co cay Capitáng Tiago ay sumagót sa aking hindî niyá sasabihin cung dî búcas na. ¿Nalalaman po bâ ninyó, sacalì?
--¡Mangyari bagá, na gaya rin namán n~g lahát! ¡Namatáy sa bilangguan!
Umudlót n~g isáng hacbáng ang binatà at tinitigan ang Teniente.
--¿Sa bilangguan? ¿sinong namatáy sa bilangguan?--ang itinatanóng.
--¡Abá, ang inyó pong amá, na nábibilanggô!--ang sagót n~g militar na may cauntíng pangguiguilalás.
--Ang aking amá ... sa bilangguan ... ¿napipiít sa bilangguan? ¿Anó pô ang wicà ninyó? ¿Nakilala pô bâ ninyó ang aking amá? ¿Cayó pô ba'y ...? ang itinanóng n~g binatà at hinawacan sa brazo ang militar.
--Sa acalà co'y hindî acó námamalî; si Don Rafael Ibarra.
--¡Siyá n~ga, Don Rafael Ibarra!--ang marahang ùlit n~g binatà.
--¡Ang boong ísip co'y inyó pong nalalaman na!--ang ibinulóng n~g militar, na puspós n~g habág ang anyô n~g pagsasalitâ, sa canyáng pagcahiwatig sa nangyayari sa cálolowa ni Ibarra; ang acalà co'y inyóng ...; n~guni't tapan~gan ninyó ang inyóng loob! ¡dito'y hindî mangyayaring magtamóng capurihán cung hindî nabibilanggô!
--¡Dapat cong acaláing hindî pô cayó nagbíbirô sa akin--ang mulîng sinabi ni Ibarra n~g macaraan ang iláng sandalíng hindî siyá umíimic! ¿Masasabi pô bâ ninyó sa akin cung bakit siyá'y nasasabilangguan?
Nag-anyóng nag-iisip-isip ang militar.
--Ang aking ipinagtátacang totoo'y cung bakit hindî ipinagbigay alam sa inyó ang nangyayari sa inyóng familia.
[Larawan:--¡Binatà, mag-ín~gat pô cayó! ¡Mag-aral cayó sa inyóng amá!--anáng teniente sa canyá.--Imp. de M. Fernández Paz, 447, Sta Cruz.]
--Sinasabi sa akin sa canyáng hulíng sulat, na may isáng taón na n~gayón, na huwág daw acóng maliligalig cung dî niya acó sinusulatan, sa pagcá't marahil ay totoong marami siyang pinakikialamán; ipinagtatagubilin sa aking magpatuloy acó n~g pag-aaral ... at ¡benebendicìonan acó!
--Cung gayó'y guinawâ niyá ang sulat na iyán sa inyó, bago mamatay; hindî malalao't mag-íisang taón n~g siyá'y aming inilibíng sa inyóng bayan.
--¿Anóng dadahilana't nábibilanggô ang aking amá?
--Sa cadahilanang totoong nacapagbíbigay puri. N~guni't sumama pô cayó sa aki't acó'y paroroon sa cuartel; sasabihin có han~ggáng tayo'y lumalacad. Cumapit pô cayó sa aking brazo.
Hindî nan~gag-imican sa loob n~g sandalî; may anyóng nagdidilidili ang matandâ at wari'y hiníhin~gi sa canyáng "perilla,"[99] na hinihimashimas, na magpaalaala sa canyá.
--Cawan~gis n~g lubós pô ninyóng pagcatalastás--ang ipinasimulâ n~g pagsasalitâ--ang amá pô ninyó'y siyáng pan~gulo n~g yaman sa boong lalawigan, at bagá man iniibig siyá't iguinagalang n~g marami, ang m~ga ibá'y pinagtatamnan namán siyá n~g masamáng loob, ó kinaíinguitán. Sa casaliwàang palad, camíng m~ga castilang naparito sa Filipinas ay hindî namin inuugalì ang marapat naming ugalíin: sinasabi co itó, dahil sa isá sa inyóng m~ga nunong lalaki at gayón din sa caaway n~g inyóng amá. Ang waláng licát na paghahalihalilí, ang capan~gitan n~g asal n~g m~ga matataas na púnò, ang m~ga pagtatangkilic sa di marapat, ang camurahan at ang caiclîan n~g paglalacbay-bayan, ang siyáng may sála n~g lahát; pumaparito ang lalong masasamâ sa Península, at cung may isáng mabaít na máparito, hindî nalalao't pagdaca'y pinasásamâ n~g m~ga tagarito rin. At inyóng talastasíng maraming totoong caaway ang inyóng amá sa m~ga cura at sa m~ga castílà.
Dito'y sandalíng humintô siyá.
--N~g macaraan ang iláng buwán, búhat n~g cayó po'y umalís, nagpasimulâ na ang samàan n~g loob nilá ni párì Dámaso, na dî co masabi ang tunay na cadahilanan. Biníbigyang casalanan siyá ni párì Dámasong hindî raw siyá nagcucumpisal: n~g una'y dating hindî siyá nan~gun~gumpisal, gayón ma'y magcaìbigan siláng matalic, na marahil natatandaan pa pô ninyó. Bucód sa rito'y totoong dalisay ang capurihán ni Don Rafael, at higuít ang canyáng pagcabanál sa maraming nan~gagcucumpisal at nan~gagpapacumpisal: may tinútunton siyá sa canyáng sariling isáng cahigpithigpitang pagsunód sa atas n~g magandáng asal, at madalás sabihin sa akin, pagca násasalitâ niyá ang m~ga sámàang itó n~g loob: "Guinoong Guevara, ¿sinasampalatayanan po bâ ninyóng pinatatawad n~g Dios ang isáng mabigát na casalanan, ang isáng cusang pagpatáy sa cápuwâ táo, sa halimbáwà, pagcâ, nasabi na sa isáng sacerdote; na táo rin namáng may catungculang maglihim n~g sa canyá'y sinasaysay, at matacot másanag sa infierno, na siyáng tinatawag na pagsisising "atricion"? ¿Bucod sa duwag ay waláng hiyáng pumapanatag? Ibá ang aking sapantahà tungcól sa Dios--ang sinasabi niyá--sa ganáng akin ay hindî nasasawatâ ang isáng casam-an n~g casam-an din, at hindî ipinatatawad sa pamamag-itan n~g m~ga waláng cabuluháng pag-iyác at n~g m~ga paglilimós sa Iglesia." At inilálagáy niyá sa akin ang ganitóng halimbáwà:--"Cung aking pinatáy ang isáng amá n~g familia, cung dahil sa catampalasanan co'y nabao't nálugamì sa capighatìan ang isáng babae, at ang m~ga masasayáng musmós ay naguíng m~ga dukháng ulila, ¿mababayaran co cayâ ang waláng hanggang Catowiran, cung aco'y cusang pabitay, ipagcatiwalà co ang líhim sa isáng mag-iin~gat na howag máhayag, maglimós sa m~ga cura na siyáng hindî tunay na nan~gagcacailan~gan, bumilí n~g "bula de composición," ó tuman~gistan~gis sa gabí at araw? ¿At ang bao at ang m~ga ulila? Sinasabi sa akin n~g aking "conciencia"[100] na sa loob n~g cáya'y dapat acóng humalili sa táong aking pinatáy, ihandóg co ang aking boong lacás at hanggáng aco'y nabubuhay, sa icágagalíng n~g familiang itóng acó ang may gawâ n~g pagcapahamac, at gayón man, ¿sino ang macapagbibigay n~g capalít n~g pagsintá n~g amá?"--Ganyán ang pan~gan~gatuwiran n~g inyó pong amá, at ang anó mang guinagawa'y isinasangayong láguì sa mahigpit na palatuntunang itó n~g wagás na caasalán, at masasabing cailán ma'y hindî nagbigáy pighatî canino man; baligtád, pinagsisicapan niyáng pawîin, sa pamamag-itan n~g magagandáng gawâ, ang m~ga tan~ging casawìan sa catuwirang, ayon sa canyá'y guinawâ raw n~g canyáng m~ga nunò. Datapuwa't ipanumbalic natin sa canyáng samaan n~g loob sa cura, ang m~ga pagcacaalit na ito'y lumúlubhà; binábangguit siyá ni párì Dámaso buhat sa púlpito, at cung dî tinutucoy siyá n~g boong liwanag ay isáng himalâ, sa pagca't sa caugalian n~g paring iyá'y mahihintay ang lahát. Nakikinikinita co nang masamâ ang cahahangganan n~g bagay na itó.
Muling humìntóng sandali ang matandáng Teniente.
--Naglílibot n~g panahón iyón ang isáng naguíng sundalo sa artillería, na pinaalís sa hucbó dahil sa malabis na cagaspan~gán n~g canyáng ásal at dahil sa camangman~gang labis. Sa pagca't kinacailan~gan niyáng mabuhay, at hindi pahintulot sa canyá ang magtrabajo n~g mabigát na macasisirà n~g aming capurihan[101], nagtamó siyá, hindî co alám cung sino ang sa canyá'y nagbigáy, n~g catungculang pagca maninin~gil n~g buwís n~g m~ga carruaje, calesa at ibá pang sasacyán. Hindî tumanggáp ang abâ n~g anó mang túrò, at pagdaca'y napagkilala n~g m~ga "indio" ang bagay na itó: sa ganang canilá'y totoong cahimahimalâ, na ang isang castilà'y hindî marunong bumasa't sumulat. Pinaglilibacan ang culang palad, na pinagbabayaran n~g cahihiyan ang násisin~gil na buwís, at nalalaman niyáng siyá ang hantun~gan n~g libác, at ang bagay na itó'y lalong nacáraragdag n~g dating masamâ at magaspáng niyang caugalîan. Sadyang ibinibigay sa canyá ang m~ga sulat n~g patumbalíc; nagpapaconwarî siya namáng canyang binabasa, at bago siyá pumifirma cung sáan nakikita niyang waláng sulat, na ang parang kinahig n~g manóc na canyáng m~ga letra'y siyáng larawang tunay n~g canyáng cataohan; linálan~gap niyá ang masasacláp na cairin~gang iyón, n~guni't nacacasin~gil siyá, at sa ganitóng calagayan n~g canyang loob ay hindi siyá gumagalang canino man, at sa inyóng ama'y nakipagsagutan n~g lubhang mabibigat na m~ga salitâ.
Nangyari isáng araw, na samantalang pinagpipihitpihit niyá ang isáng papel na ibinigáy sa canyá sa isáng tindahan, at ibig niyáng málagay sa tuwíd, nagpasimuláng kinawayán ang canyáng m~ga casamahan n~g isáng batang nanasoc sa escuela, magtawá at itúro siya n~g dalirì. Naririn~gig n~g táong iyón ang m~ga tawanan, at nakikita niyáng nagsásaya ang libác sa m~ga dî makikibuing mukhâ n~g nan~garoroon; naubos ang canyang pagtitiis, bigláng pumihit at pinasimulâang hinagad ang m~ga batang nan~gagtacbuhan, at sumísigaw n~g "ba", "be", "bi", "bo", "bu." Pinagdimlán n~g galit, at sa pagca't hindî siya mang-abot, sa canilá'y inihalibas ang canyáng bastón, tinamaan ang isá sa úlo at nábulagtâ; n~g magcagayo'y hinandulong ang nasusubasob at pinagtatadyacán, at alín man sa nan~gagsisipanood na nanglilibac ay hindî nagcaroon n~g tapang na mamag-itan. Sa casamaang palad ay nagdaraan doon ang inyóng amá. Napoot sa nangyari, tinacbó ang maninin~gil na castilà, hinawacan siyá sa brazo at pinagwicaan siyá n~g mabibigát. Ang castilàng marahil ang tin~gín sa lahát ay mapulá na, ibinuhat ang camáy, n~guni't hindî siyá binigyang panahón n~g inyong amá, at tagláy iyáng lacás na nagcácanulô n~g pagca siyá'y apó n~g m~ga vascongado ... anáng ibá'y sinuntóc daw, anáng ibá namá'y nagcasiyá, na lamang sa pagtutulac sa canyá; datapowa't ang nangyari'y ang tao'y umúgà, napalayô n~g iláng hacbáng at natumbáng tumamà, ang úlo sa bató. Matiwasay na ibinan~gon ni Don Rafael ang batang may sugat at canyáng dinalá sa tribunal[102]. Sumuca n~g dugô ang naguing artillerong iyón at hindî na natauhan, at namatáy pagcaraan n~g iláng minuto. Nangyari ang caugalìan, nakialám ang justicia, piniit ang inyóng amá, at n~g magcagayo'y nan~gagsilitáw ang m~ga lihim na caaway. Umulán ang m~ga paratang, isinumbóng na siyá'y filibustero at hereje: ang maguing "hereje" ay isáng casawîang palad sa lahát n~g lugar, lalong lalo na n~g panahóng iyóng ang "alcalde"[103] sa lalawiga'y isáng taong nagpaparan~galang siyá'y mapamintacasi, na casama ang canyáng m~ga alílang nagdárasal n~g rosario sa simbahan n~g malacás na pananalitâ, marahil n~g marinig n~g lahat at n~g makipagdasal sa canya; datapuwa't ang maguíng filibustero ay lalong masamâ cay sa maguíng "hereje," at masamâ pang lalò cay sa pumatáy n~g tatlóng máninin~gil n~g buwís na marunong bumasa, sumulat at marunong magtan~gîtangì. Pinabayàan siyá n~g lahát, sinamsám ang canyáng m~ga papel at ang canyáng m~ga libro. Isinumbóng na siyá'y tumátanggap n~g "El Correo de Ultramar" at n~g m~ga periódicong gáling sa Madrid; isinumbóng siya, dahil sa pagpapadalá sa inyó sa Suiza alemana; dahil sa siyá'y násamsaman n~g m~ga sulat at n~g larawan n~g isáng paring binitay, at ibá pang hindî co maalaman. Kinucunan n~g maisumbóng ang lahát n~g bágay, sampô n~g paggamit n~g bárong tagalog, gayóng siyá'y nagmulâ sa dugóng castilà[104]. Cung naguing ibá sana ang inyóng amá, marahil pagdaca'y nacawalâ, sa pagcá't may isáng málicong nagsaysáy, na ang ikinamatáy n~g culang palad na maninin~gil ay mulâ sa isáng "congestión"[105]; n~guni't ang canyáng cayamanan, ang canyáng pananalig sa catuwiran at ang canyáng galit sa lahát n~g hindî naaayon sa cautusán ó sa catuwiran ang sa canyáng nan~gagpahamac. Acó man, sacali't malakí ang aking casuclamán sa pagluhog sa paggawâ n~g magalíng nino man, humaráp acó sa Capitán General, sa hinalinhan n~g ating Capitán General n~gayón; ipinaliwanag co sa canyáng hindî mangyayaring maguíng "filibustero" ang tumatangkilik sa lahát n~g castilang dukhâ ó naglalacbay rito, na pinatutuloy sa canyáng bahay at pinacacain at ang sa canyáng m~ga ugát ay tumátacbo pa ang mapagcandiling dugóng castílà; ¡nawaláng cabuluháng isagót co ang aking úlo, at ang manumpâ acó sa aking carukhâan at sa aking capuriháng militar, at walâ acó n~g nasunduan cung dî magpakita sa akin n~g masamáng pagtanggáp, pagpakitâan acó n~g lalong masamâ sa aking pagpapaalam at ang pamagatán acó n~g "chiîlado"[106]!
Humintô ang matandâ n~g pananalità upang magpahin~gá, at n~g canyáng mahiwatigan ang hindî pag-imíc n~g canyáng casama, na pinakikinggan siyá'y hindî siyá tinítinguan, ay nagpatuloy:
--Nakialam acó sa usapín sa cahin~gian n~g inyóng amá. Dumulóg acó sa bantóg na abogadong filipino, ang binatang si A--; n~guni't tumangguí sa pagsasanggalang.--"Sa akin ay matatalo"--ang wicà sa akin.--Panggagalin~gan ang pagsasanggaláng co n~g isáng bagong sumbong na laban sa canyá at marahil ay laban sa akin. Pumaroon pô cayó cay guinoong M--, na masilacbóng manalumpátì, taga España at lubháng kinaaalang-alan~ganan. Gayón n~ga ang aking guinawâ, at ang balitang abogado ang nan~gasiwa sa "causa" na ipinagsanggalang n~g boong catalinuhan at caningnin~gán. Datapwa't marami ang m~ga caaway, at ang ilá'y m~ga líhim at hindî napagkikilala. Saganà ang m~ga sacsíng sabuát, at ang caniláng m~ga paratang, na sa ibang lugar ay mawawal-ang cabuluhán sa isáng salitang palibác ó patuyâ n~g nagsásanggalang, dito'y tumitibay at tumítigas. Cung nasusunduan n~g abogadong mawaláng cabuluhán ang caniláng m~ga bintáng, sa pagpapakilala n~g pagcacalabán-lában n~g canicanilang saysáy at n~g m~ga saysáy niláng sarili, pagdaca'y lumálabas ang m~ga ibáng sumbóng. Isinusumbóng niláng nan~gamcám siyá n~g maraming lúpà, hinin~gán siyáng magbayad n~g m~ga casiráan at m~ga caluguiháng nangyari; sinabi niláng siya'y nakikipagcaibigan sa m~ga tulisán, upang pagpitaganan nilá ang kanyáng m~ga pananím at ang canyáng m~ga hayop. Sa cawacasa'y nagulóng totoo ang usapíng iyón, na anó pa't n~g maguíng isáng taòn na'y waláng nagcacawatasáng sino man. Napilitang iwan n~g "alcade"[107] ang canyáng catungculan, hinalinhán siyá n~g ibang, ayon sa balita'y, masintahin sa catuwiran, n~guni't sa casaliwâang palad, ito'y iláng buwán lamang nanatili roon, at ang napahalili sa canyá'y napacalabis naman ang pagca maibiguín sa mabuting cabayo.
Ang m~ga pagtitiis n~g hirap, ang m~ga samâ n~g loob, ang m~ga pagdarálitâ sa bilangguan, ó ang canyáng pagpipighatî n~g canyáng mapanood ang gayóng caraming gumaganti n~g catampalasanan sa guinawâ niyá sa caniláng m~ga cagalin~gan, ang siyáng sumirà sa catibayan n~g canyáng catawang bacal, at dinapúan siyá, niyáng sakít na ang libin~gan lamang ang nacagagamot. At n~g matatapos na ang lahát, n~g malapit n~g tamuhín niyá, ang cahatuláng siyá'y waláng casalanan, at hindî catotohanang siyá'y caaway n~g Bayang España, at di siyá, ang may sala n~g pagcamatáy n~g máninin~gil, namatáy sa bilanggúang walâ sino man sa canyáng tabí. Dumatíng acó upang mapanood ang pagcalagót n~g canyáng hinin~gá.
Tumiguil n~g pananalitâ ang matandâ; hindi nagsalitâ si Ibarra n~g anó man. Samantala'y dumatíng silá sa pintúan n~g cuartel. Humintô ang militar, iniabót sa canyá ang camáy at nagsabi:
--Binatà, ipagtanóng ninyó cay Capitang Tiago ang m~ga paliwanag. N~gayó'y ¡magandáng gabí pô! Kinacailan~gan cong tingnán cung may nangyayaring anó man.